15 June 2012

Environment| Letter to Congresswoman Lani and Senator Bong Revilla

Ginang at Ginoong Revilla,

Ako’y isang mag-aaral na nagmula sa St. Paul College of Paranaque. Ako’y kasalukuyang nasa ika - walong baiting. Kaya ko ho itinagalog ang aking mungkahi ay sa kadahilanang maipahiwatig ko ng maliwanag ang aking saloobin.

Ako’y isang batang Pilipino na gustong magkaroon ng isang magandang kapaligiran, isang mapayapang mundo.
Ang ating mundong tinatayuan at ginagalawan ay isang natatanging biyaya ng maykapal sa bawat isa. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang kanyang likha. Tayo ang dapat na nangangalaga nito ngunit kaysa mapangalagaan ito ay tayo pa mismo ang sumisira nito.

Ako ho ay nababahala sa mga nangyayari sa ating kalikasan. Natural lang ho mangyari ang mga kalamidad, ngunit ang mga nangyayari ngayon ay iba na.

Ang ating bansang Pilipinas ay napakaganda, pati ang mga dayuhan ay natutuwa rin sa kagandahan ng ating bansa at sa mga tao na naririto. Maraming mga magagandang tanawin at puno ng likas na yaman. Ngunit ngayo’y puno ng usok sa paligid, mga ilog na puno ng basura.

Maynila, ito ang puso ng Pilipinas. Noo’y napaka sarap ng simoy ng hangin, ngayo’y wag kang magkakamaling iwan ang iyong panyo dahil sa nakaka-ubong usok na galing sa mga sasakyan at sa mga factory, dati’y nakaka langoy pa ang mga bata sa mga ilog ngunit ngayo’y hindi mo matiis ang baho nito dahil sa basura. Tumingin ka sa paligid at makikita’y karamihan semento at kaunting mga puno.

Ang Maynila, at ang iba pang lugar sa Pilipinas ay madalas ng bahain. Noong nakaraang bagyong Ondoy nakita niyo kung gaano kapinsala ito. Ang pagbahang ito ay dulot ng mga basura na naka bara sa mga daluyan ng tubig. Ang mga Pilipinong nagtatapon ng maliit na basura kung saan saan sa pag-iisip na “Kaunti lang naman ito” Kaunti nga, pero Ikaw lang ba ang nagtatapon? Billiong mga tao ang nagtatapon at pag-ito’y pinagsama-sama ang resulta ay pagbaha sa mga lugar.
Ang mga ilog dito sa Maynila ay tuluyan na ring nawawala dahil sa pollution. Pero kahit papano merong mga mababait na tao na tulong-tulong na ibinabalik ito sa dating buhay. Meron ding mga estero sa Maynila na tuluyan ng nawala dahil sa mga buildings na itinatayo at dahil sa mga squatters na gumagawa ng bahay sa mga estero.

Ang sikat na Manila Bay ay nasisira na rin dahil sa mga pasaway na taong nagtatapon doon ng mga basura, mga manhid at selfish na tao dahil hindi man lang nila iniisip kung anong maaring mangyari sa kanilang ginawa, maaaring makain ng mga isda ang mga plastic na itinatapon sa dagat sa pag-aakalang ito ay pagkain. Ang lahat ng ating ginagawa ay kabit-kabit kung kaya’t sana’y pag-isipan muna natin ito.
Meron akong napanood na dokumentaryo na ipinakita ang mga taon kung kalian mawawalan ng malinis na tubig, mauubos ang mga lamang dagat, mawawalan ng kuryente, atbp. Ako’y lalong nabahala. Sa Maynila puno na ng mga basura at mga pollution, paano pa kaya sa ating mga probinsya? Sa iba pang mga bansa?

Sa probinsya mas tahimik at presko. Ngunit may kaakibat ring mga problema. Ang mga likas na yaman natin ay matatagpuan sa ating mga probinsya. Maraming bundok, puno, sapa. Ngunit may mga taong illegal na pinakikinabangan ang ating mga yaman. Sana’y magawan niyo ng paraan na ipatigil ang mga minahan ng mga kumpanya sa ating mga bundok, dahil maraming mga bundok ang nakakalbo na.

Sa Mindanao, nagimbal tayo sa nangyari sa kanila ng dumating ang bagyong “Sendong”. Ang Mindanao ay hindi madalas daanan ng bagyo ngunit nagulat tayo at ang mga taga CDO. Maraming namatay. Kung hindi kalbo ang mga bundok, kung may mga puno pa roon hindi sana mangyayari ang trahedyang iyon. Sabi nga ng isang residente doon kung hindi titigil ang mga minero sa pag mina baka sa susunod na magkaroon ng pag-ulan sa lugar nila baka’y wala ng mabuhay sa kanila.

Ang mga puno naman ay unti-unti na ring nauubos.  Ang mga puno ang sumisipsip sa tubig, kaya’t malaking tulong ang mga ito pag may pag-ulan at pag bagyo. May mga taong illegal na pinuputol ang mga ito at hindi man lang pinapalitan. Ang pagputol ng puno ay hindi masama kung ito’y iyong papalitan, upang sa habang panahon ito’y tutubo ulit at magiging malaking tulong para sa susunod na henerasyon.

Sa ngayong may oras pa sana’y magawan niyo ng paraan sa madaling panahon at sana’y wag niyong hintayin ang panahong huli na ang lahat.

Lubos na gumagalang, Ma. Issabela J. Villalino